Pondo sa pantugon sa kalamidad para sa susunod na taon, tinaasan ng DBM

Itinaas ng Department of Budget and Management (DBM) sa ₱31 bilyon ang pondo para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) para sa susunod na taon mula sa kasalukuyang ₱20 bilyon.

Ito ay sa layuning mapahusay at palakasin ang kahandaan at pagtugon ng gobyerno at ng buong bansa sa panahon ng kalamidad.

Bukod dito ay naglaan din ang DBM ng ₱1 bilyong pondo para sa Marawi Siege Victims Compensation Fund sa ilalim ng 2023 national expenditure program o NEP.


Ayon sa DBM, ang pagdagdag ng pondo ay bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gawing proactive ang ekonomiya sa halip maging reactive.

Naniniwala ang DBM na maigi nang palaging nakahanda dahil hindi kailanman kayang matukoy kung kailan at gaano kalaki o kalakas ang tatamang epekto ng anupamang kalamidad sa bansa tulad ng lindol o bagyo.

Sa ngayon, sinabi ng DBM na mayroon pang natitirang ₱6.8 bilyon sa NDRRMF na pwedeng magamit hanggang katapusan ng kasalukuyang taon.

Facebook Comments