Cauayan City, Isabela- Sinimulan na ang pamamahagi ng pambayad sa mga apektadong hog raiser matapos isailalim sa culling o pagpatay sa kani-kanilang alagang baboy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa lambak ng Cagayan.
Ito ay makaraang maibaba ang pondo na nagkakahalaga ng P161-M sa ilalim ng Contingency Fund ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Director’s Hour Radio Program ng DA Region 2, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo na posibleng matatagalan ang pamamahagi ng pinansyal dahil hindi naman maaaring pagsabayin ang distribusyon ng halaga ng pera.
Aniya, karamihan sa mga tatanggap ng pinansyal ang mga apektadong magsasaka sa lalawigan ng Isabela dahil sa 75% ng bilang na alagang baboy na na-culled ay mula sa lalawigan.
Tinatayang nasa P148-M naman ang mapupunta sa Isabela habang paghahatian naman ng iba pang mga probinsya sa rehiyon ang ibang pondo maliban sa Nueva Vizcaya.
Umaasa naman si Edillo na mababayaran ang mga magsasaka bago matapos ang buwan ng Nobyembre.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang ginagawang pamamahagi ng biik sa mga lugar na wala ng naitalang kaso ng ASF sa loob ng anim na buwan.