POSD Chief ng Lungsod ng Cauayan, Nagpaliwanag sa kanilang Road Clearing Operations!

*Cauayan City, Isabela- *Walang pag-aatubiling sinagot ni POSD Chief P/Col Pilarito Mallillin ang ilang reklamo ng mga Cauayeño na naapektuhan sa kanilang isinasagawang Road Clearing Operations.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Col Pilarito Mallillin, pinuno ng POSD Cauayan City, ito’y bilang pagtalima sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang matanggal lahat ang mga sagabal sa daan na nakakapagpasikip sa daloy ng trapiko.

Kabilang anya sa kanilang mga tinatanggal na road obstructions ay mga matagal nang nakaparadang sasakyan, mga nakatambak na graba, signage na ipinatayo sa mga dinadaanan ng tao at mga illegal na ipinatayong struktura na halos umabot na sa kalsada.


Paalala nito sa mga traysikel drayber na pumarada lamang sa mga designated terminals sa Lungsod at huwag pumarada’t maghintay ng pasahero sa mga gilid ng daan lalo na sa mga pangunahing lansangan upang maiwasan ang pagsikip ng trapiko.

Para sa mga may sasakyan naman ay kanyang hiniling na pumarada lamang sa maayos na lugar at huwag iwanan ng matagal upang hindi maging sagabal sa daan.

Kaugnay nito ay kanyang hiniling sa mga may-ari ng bawat establisyimento o paaralan sa Lungsod na magkaroon ng sariling parking lot area upang may pagparadahan din ang mga kliyente.

Kanya rin nilinaw na noon pa nila napaalalahanan ang mga may-ari ng strukturang nakatayo malapit sa mga lansangan bago pa nila ilarga ang clearing operations.

Payo pa nito sa publiko na dapat irespeto at sumunod sa mga ipinapatupad na batas ng mga otoridad at magkaroon din ng disiplina sa sarili.

Facebook Comments