Bahagyang tumaas ang positivity rate sa National Capital Region.
Batay sa datos ng OCTA Research Group, kahapon, August 2, umakyat na sa 16.9% ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 na mas mataas kumpara sa 15.5% na naitala noong July 26.
Tumaas din ang average daily attack rate (ADAR) na ngayon ay nasa 8.39 mula sa 7.34 noong nakaraang linggo.
Sa tweet, sinabi ni Dr. Guido David na bagama’t tumaas sa 38% mula dating 32% ang healthcare utilization rate (HCUR) ng rehiyon ay nananatili pa rin itong “low risk.”
Samantala, kapansin-pansin din ang pagbaba ng COVID-19 growth rate sa NCR na ngayon ay nasa 14% na lamang mula sa naitalang 21% noong July 26.
Habang bumaba rin sa 1.24 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 sa rehiyon mula sa 1.33 na naitala noong nakaraang linggo.
Ayon kay David, indikasyon ito na posibleng magpi-peak na ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Sa pangkalahatan, nananatiling “moderate risk” sa COVID-19 ang NCR.