Iginiit ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee na madagdagan ang post-harvest facilities tulad ng imbakan ng binhi o mga buto at mga ani na produktong agrikultural.
Sabi ni Lee, ito ay upang maibsan ang matinding pinsala sa sektor ng agrikultura tuwing may humahagupit na kalamidad sa bansa tulad ng bagyo.
Una rito ay kinuwestyon ni Lee kung bakit sa ilalim ng proposed 2023 budget ng Department of Agriculture ay P13 billion lamang ang nakalaan para sa post-harvest facilities habang P59.96 billion ang alokasyon sa pre-harvest activities.
Sang-ayon si Lee na kailangan talaga ng ating mga magsasaka at mangingisda ng tulong sa pagtatanim dahil patuloy na tumataas ang presyo ng equipment, fertilizer, at iba pang farm inputs.
Pero diin ni Lee, dapat ding bigyan ng importansya at sapat na pondo ang post-harvest activities dahil kung wala ito ay walang produktong papasok sa merkado at magiging kawawa ang ating magsasaka at mangingisda habang apektado ang mga consumers.