Gagawaran ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAAI) si presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson bilang pagkilala sa kanyang mahigit 50 taon na natatanging kontribusyon sa gobyerno at serbisyo publiko dahil sa kanyang malinis at tapat na serbisyo sa taong bayan.
Iisa ang boto ng lahat ng mga miyembro ng Board of Directors ng PMAAAI para ibigay kay Lacson ang nasabing parangal dahil sa pagiging modelo at walang dungis na serbisyo para sa bayan na salamin ng kanyang karakter ng pagkakaroon ng katapangan, katapatan, at integridad.
Sa isang liham noong Disyembre 15, 2021 mula kay Cavalier Amado T. Espina, Jr., Chairman at Chief Executive Officer ng PMAAAI, sinabi niyang nabuo ni Lacson ang kanyang reputasyon nang walang kasiraan at nararapat na gawing huwaran.
Ayon kay Espina, nagdala rin ito ng karangalan hindi lamang kay Lacson, ngunit maging sa kanyang pamilya at sa buong PMA at alumni organization nito.
Nakatakda ang seremonya ng parangal bukas, Sabado, Pebrero 19 kasabay ng taunang Alumni Homecoming at Parade ng PMA sa Borromeo Field, Fort General Gregorio del Pilar, Baguio City sa Benguet.
Paliwanag pa ni Lacson, tatanggapin niya ang parangal kasama ng kanyang mga kapwa cavalier na kinilala rin dahil sa kanilang mga naging tagumpay at kontribusyon sa gaganaping alumni homecoming event.
Nabanggit din ni Lacson ang pagtanggap niya ng ‘Lifetime Achievement Award’ sa isang presidential interview noong nakaraang buwan kung saan tinanggihan niyang sagutin ang isang tanong na magbibigay ng masamang imahe sa kanyang katunggaling kandidato at sa halip ay nagpokus na lamang siya sa kanyang malinis na track record.