Mataas pa rin ang presyo ng puting asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa Balintawak Market sa Quezon City, pumapalo pa rin ang presyo ng puting asukal sa P95 kada kilo, bagama’t mababa kumpara sa higit P100 noong mga nakaraang linggo.
Mas mura naman ang presyo ng washed sugar na nasa P70 habang P68 naman ang brown sugar.
Ayon sa mga nagtitinda, mataas pa rin kasi ang kuha nila sa mga supplier kaya hindi pa rin sila makapagbaba ng presyo habang ang ilang vendor naman ay hindi na nagtitinda ng puting asukal dahil mas pinipili ng maraming mamimimili ang washed o brown sugar dahil mas mura ito.
Kaugnay nito ay nangangamba na rin ang ilang nagtitinda ng puting asukal dahil posibleng hindi na mabili ang kanilang mga paninda sakaling dumami ang murang asukal sa mga supermarket.
Samantala, inihayag naman ng National Federation of Sugar Workers na unti-unti nang namamatay ang industriya ng asukal sa bansa dahil sa kawalan ng subsidiya ng gobyerno.