Prinsipyo ng NPA, Baluktot Ayon sa CPPO

Tuguegarao, Cagayan – Baluktot ang prinsipyo at ideolohiya ng New People’s Army.

Isa ito sa mga inihayag ng Cagayan Police Provincial Office(CPPO) kaugnay sa nangyaring pamamaslang kay Angelo “Buridek” Luis sa Awallan, Baggao, Cagayan.

Magugunitang 7:10 ng umaga ng Disyembre 2, 2017 ay pinasok sa kanyang sariling bahay at pinagbabaril ng mga kumunista ang konsehal dahil sa paratang na siya umano ay espiya ng Military Intelligence Group(MIG).


Ang naturang pangyayari ay ikinabigla ng maraming mamamayan ng Cagayan kung saan ay bumuhos ang mga komento at pagkondena sa social media sa ginawang ito ng NPA.

Sa inilathalang pahayag ng Cagayan Police Provincial Office ay sinabi ni Provincial Director PSSupt Warren Gaspar Tolito na ang ginawa ng NPA ay taliwas sa kanilang ibinibida na sila daw ay kampeon ng hustisyang panlipunan.

Sa naturang pahayag ay hinikayat ni PD Tolito ang mga mamamayan na suportahan ang gobyerno upang matigil na ang pangingikil ng mga NPA sa mga negosyante, traders at kontraktor na nakakasagabal sa pagpapatupad ng mga proyektong makakatulong sa mga mamamayan.

Binanggit pa sa pahayag ang karahasan na panununog ng mga kumunista sa mga heavy equipment na gumagawa sa national road sa Baggao.

Sinabi din ni PD Tolito na hindi dapat masayang ang nabuwis na buhay ni konsehal Luis na kilalang nag-aadbokasiya ng maayos na pamamahala at pagpapabilis ng ginagawang kalsada sa bayan ng Baggao.

Nakapailalim ngayon sa red alert ang PNP Cagayan dahil sa naturang pangyayari at ginagawa na ang kaukulang imbestigasyon habang magkasama nilang tinutugis ng army ang mga tumakas na mga salarin, ayon pa sa pahayag ng CPPO.

Facebook Comments