CAUAYAN CITY – Ang 5th Infantry Division (5ID) ng Philippine Army ay patuloy na nagsusulong ng mga programa para sa reintegrasyon at pagsuporta sa mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Partnership for Education Advancement and Community Empowerment (PEACE Program), layon nilang bigyan ng mas magandang oportunidad ang mga former rebels, mga dependent ng sundalo, at out-of-school youths.
Ang PEACE Program, na isinakatuparan kasama ang Career Builders Skills Training and Assessment Center Incorporated (CBSTACI) at accredited ng TESDA, ay nag-aalok ng 15-araw na pagsasanay sa iba’t ibang kasanayan.
Pagkatapos ng training, ang mga benepisyaryo ay binibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa mga kumpanyang kaagapay ng programa.
Sa kasalukuyan, tatlong batch na ang matagumpay na nakinabang dito, na may kabuuang 192 benepisyaryo.
Inaasahang sisimulan ang ika-apat na batch ng programa sa Enero ng susunod na taon, na muling magbibigay ng pag-asa at mas maayos na kinabukasan para sa mga nakikibahagi rito.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng 5ID na isulong ang kapayapaan at kaunlaran, kasabay ng pagsisikap na maibalik sa normal na pamumuhay ang mga dating kasapi ng makakaliwang grupo.