Aprubado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na bubuhay at magsusulong ng indigenous at traditional writing system sa bansa.
Sa botong 197 na pabor at wala namang tumutol ay nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10657 o Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act.
Layunin ng panukala na mabigyang proteksyon, mapangalagaan at maisulong ang indigenous at traditional writing system tulad ng pre-colonial na paraan na pagsulat ng mga Pilipino na “Baybayin”.
Layon din ng bill na maisulong ang patriotism o pagkamakabayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtuturo, pagpapalaganap at conservation ng kulturang pamana at yaman ng bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas ay oobligahin ang Department of Education (DepEd) na isama ang writing system sa mga asignatura ng mga mag-aaral sa basic at higher education curriculum gayundin ang paglikha ng Commission on Higher Education (CHED) ng elective at specialized course para sa writing systems sa higher education.
Ang National Commission for Culture and the Arts ang mangunguna para sa paglalatag ng mga polisiya sa pagtutulak ng Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems.
Lilikha rin ng mga aktibidad para mabuhay ang kamalayan ng mga kabataan sa writing system ng bansa tulad na lamang tuwing Buwan ng Wika at iba pang kahalintulad na okasyon.