*Cauayan City, Isabela* – Sa kabila ng tumataas na alerto at pagkabahala ng mamamayan sa 2019 novel Corona Virus – Acute Resperatory Disorder (nCoV ARD) ay pinawi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang takot ng mga tao sa pagsasabing wala pang naitatalang nagpositibo.
Sa isinagawang emergency meeting on International Heath Understanding sa N-CoV, inamin ng bagong tatag na Task Force on Corona Virus na may mga Persons Under Monitoring (PUM) at Persons-Under-Investigation (PUI) pero hindi nangangahulugan na positibo ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay may limang naitalang PUI dito sa lalawigan ngunit tatlo dito ay idineklara nang negative ng Philippine Research on Tropical Medicine.
Nakapagtala kamakailan ng dalawang kaso ng pinaghihinalaang may Coronavirus sa Lungsod ng Cauayan at isa na tubong Lungsod ng Ilagan.
Samantala, ang dalawa pa mula sa mga bayan ng Reina Mercedes at Dinapigue ay hinihintay pa ang resulta hanggang sa ngayon.
Magpapamigay naman ng apat na libong kopya ng flyers araw-araw na ilalagay sa lahat ng government offices, mga paaralan, malls, business establishment tulad ng mga hotel, recreational centers at mga matataong lugar.
Layunin nito na mabigyan kaalaman ang bawat mamamayan ng lalawigan na makaiwas sa kinakatakutang 2019 CoV-ARD.