Posibleng magkaroon ng provisional fare increase sa mga pampublikong sasakyan sa oras na umabot sa ₱60 ang kada litro ng krudo ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II na kanilang isinasaalang-alang ang magiging hakbang dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa international market bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Sa ngayon kasi, nakabinbin pa rin ang petisyon at nagpapatuloy naman ang kanilang pakikipagpulong sa mga transport group hinggil sa dagdag-pasahe.

Kung saan hinihirit na madagdagan ng dalawang piso ang pamasahe sa jeep at bus habang dagdag ₱20 naman sa flag-down rate ng mga TNVs.

Humihirit naman ng 50 centavos per kilometer ang mga provincial bus habang point-to-point (P2P) bus naman ay naghahangad ng 30% hanggang 40% na taas-pasahe.

Samantala, wala pang petisyon para sa dagdag-pasahe ng mga taxi at UV express.

Matatandaang naghahanda na ang Department of Transportation (DOTr) at LTFRB sa posibleng pamamahagi ng fuel subsidy sa oras naman na umabot sa $80 per barrel ang krudo sa pandaigdigang merkado dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Facebook Comments