Manila, Philippines – Nanindigan ang Malacañan na si Pangulong Rodrigo Duterte ang “living proof” na ang corporal punishment ay nananatiling epektibo para disiplinahin ang mga bata.
Ito ay matapos hindi pirmahan ng Pangulo ang “anti-palo” bill.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo – patunay na isang law-abiding citizen ang Pangulo dahil nakaranas ito ng mahigpit pagdidisiplina mula sa kanyang mga magulang noong bata pa siya.
Dagdag pa ni Panelo – naniniwala ang Pangulo na hindi dapat ipagkait sa mga magulang ang kanilang karapatan at responsibilidad kung paano nila palakihin ang kanilang mga anak.
Diin pa ng Palasyo na tutol ang Pangulo sa “excessive punishment” at “excessive physical abuse” sa mga bata.
Suportado aniya ng Pangulo ang “balanced at nuanced approach” na siyang magpoprotekta sa mga bata at kumikilala sa karapatan ng mga magulang na naniniwala sa corporal punishment.
Nabatid na umapela ang United Nations International Children Emergency Fund (UNICEF) sa Pangulo na lagdaan ang batas na nagbabawal sa pisikal na pananakit sa mga bata bilang bahagi ng pagdidisiplina.