PSG, hindi dapat magpaloko kay Pamatong ayon kay Pangulong Duterte

Manila, Philippines – Idinaan nalang sa biro ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga balitang lumalabas na siya umano ay mayroong malalang sakit kaya hindi lumalabas sa publiko.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa anibersaryo ng Presidential Security Group ay pabiro nitong sinabi na mayroong problema sakaling siya ay mamatay dahil mayroong pretender sa posisyon at mayroong dalawang claimants sa pagka-pangulo ng bansa.

Ang isa aniya ay si Eli Pamatong na idineklara na ang kanyang pagkapangulo noong hindi nagpapakita si Pangulong Duterte sa publiko habang si Vice President Leni Robredo naman aniya ang siyang tunay na susunod sa kanya base sa konstitusyon.


Kaya naman pabirong sinabi ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng PSG na huwag malito at sumunod lamang sa kung ano ang itinakda ng Saligang Batas.

Matatandaan na nag-viral sa social Media ang video ni Pamatong kung saan idinedeklara nito na siya na ang iniluklok na Pangulo ng bansa at dapat ay sumunod ang mga Pilipino sa kanya.

Facebook Comments