Public Market sa City of Ilagan, Ini-lockdown Matapos Magpositibo sa COVID-19 ang 2 Vendor

Cauayan City, Isabela- Isang araw nalang ay matatapos na ang tatlong (3) araw na pagsasailalim sa ‘lockdown’ sa bagong public market ng barangay Baligatan sa City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Gerry Manguira, Market Supervisor ng City of Ilagan, batay sa inilabas at nilagdaang Executive Order no. 60 series of 2020 ni City Mayor Jay Diaz, magtatapos na bukas, September 17, 2020 ang lockdown sa nasabing pamilihan matapos itong ipasara kahapon, September 15, 2020 ng madaling araw.

Ito’y upang bigyang daan ang pagsasagawa ng massive disinfection at contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng dalawang (2) vendor na nagpostibo sa COVID-19.


Ginawa rin aniya ito ng pamahalaang Lungsod upang ma-contain at hindi na madagdagan ang mahawaan ng virus.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang maigting na contact tracing ng local na pamahalaan katuwang ang Ilagan IATF sa iba pang mga naging direct contact ng dalawang nagpositibo.

Pakiusap nito sa mga vendors ng palengke na huwag munang lumabas ng bahay, obserbahan ang sarili at kung kinakailangan ay kumonsulta at magreport sa tanggapan ng City health office.

Suhestiyon nito sa mga dating namamalengke sa Baligatan Public Market na mamalengke muna sa centro poblacion o sa mga talipapa hanggat hindi pa bumabalik sa operasyon ang nasabing pamilihan.

Mensahe nito sa lahat na sumunod sa health and safety protocols upang makaiwas sa sakit na COVID-19.

Facebook Comments