
Umapela ang Department of Energy (DOE) sa publiko na ipagbigay alam sa kanila ang mga kahina-hinalang insidente ng hoarding o pang-iipit ng suplay ng produktong petrolyo.
Kasunod na rin ito ng mga ulat na posibleng nagkakaroon na ng hoarding at profiteering sa bentahan ng petroleum products dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East na nakakaapekto sa suplay ng langis sa bansa.
Ayon sa DOE, sakaling may mga makikita silang mga nagho-hoard ng suplay ay maiging i-report ito sa kanilang Oil Industry Management Bureau, Consumer Welfare and Promotion Office and Field Offices.
Puwede ring i-report sa pamamagitan ng government hotline 8888 telephone number 8840-2267 ang mga kumpanya ng langis na tatangging magbenta at ang mga magmamanipula ng presyo ng petrolyo.
Una rito, nakatanggap ang DOE sa kanilang field offices sa Luzon at Mindanao na initial report at mga ebidensiya, mayroong iregularidad sa fuel supply at retail practices.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 7581 ng Price Act, ang hoarding at profiteering ng presyo ng langis na isang iligal na pagmamanipula ay may karampatang multa at pagkakakulong.










