Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang hinihintay ang resulta ng swab test ng isang lalaki na namatay na itinuturing na Person Under Investigation (PUI) sa COVID-19 sa Brgy. Mabuttal West, Ballesteros, Cagayan.
Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, isang tawag ang natanggap ng PNP Ballesteros mula kay Engr Emmanuel Pascua, GSO ng naturang bayan na humihingi ito ng tulong para sa pagpapalibing sa bangkay ni Berlino Alverzado, 57 anyos, may-asawa, trabahador at residente ng Brgy. Mabuttal West, Ballesteros, Cagayan.
Nang maipaalam sa kanilang Municipal Health Officer ang naturang kaso ay nagbigay agad ito ng abiso na ilibing na ang labi ni Alverzado na agad namang isinagawa ng MHO nitong ika-23 ng Hunyo taong kasalukuyan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, isinugod sa Ballesteros District Hospital si Alverzado dahil mayroon itong iniindang sakit.
Na-confine ito sa naturang ospital noong June 20 hanggang 21 at lumabas sa findings ng Doktor na mayroon siyang Diabetis Mellitus II.
Inilipat din si Alverzado sa Far North Luzon General Hospital and Training Center in Luna, Apayao noong hapon ng June 21, 2020.
Dagdag dito, muli siyang inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) noong June 22, 2020 subalit dito na binawian ng buhay.
Kinuhanan ng swab sample ng ospital si Alvarado at hinihintay na lamang ang resulta ng swab test nito.