PUI sa COVID 19 sa CVMC, Isa na Lamang!

Cauayan City, Isabela- Nag-iisa na lamang na Person under investigation (PUI) ang binabantayan ngayon sa isolation room ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Baggao, director ng CVMC, nananatili ngayon sa kanilang isolation room ang 42 taong gulang na babae na taga Roxas, Isabela na nag-tour sa South Korea at dumating sa Pilipinas noong Pebrero 25, 2020.

Hinihintay na lamang ang resulta ng kanyang labtest matapos na makaranas ng sintomas ng coronavirus disease o COVID 19.


Ayon kay Dr. Baggao, sakaling matanggap ang resulta at magnegatibo sa COVID 19 ang naturang Ginang ay maaari na itong makalabas ng ospital.

Kaugnay nito, nakatakda namang ma-discharge ngayong umaga ang isa pang PUI na OFW na taga bayan ng Delfin Albano matapos itong magnegatibo sa Coronavirus maging ang isa pang lalaki na dating OFW na taga Santiago City.

Nilinaw nito na inilipat sa CMVC ang 57 anyos na dating OFW na lalaki matapos ma-stroke at mapag-alaman na galing ito sa bansang South Korea.

Nagpapasalamat naman si Dr Baggao dahil walang bumalik sa mga naunang PUI na naitala sa naturang ospital at sila’y nasa maayos ng kalagayan.

Payo naman nito sa publiko na kumain ng masusustansya, mag-bitamina at uminom ng sapat na tubig araw-araw lalo na ngayong summer.

Facebook Comments