Pulis, ‘hinataw’ ng yantok ang 13-anyos dahil ‘lumabag’ sa ECQ

Nagtamo ng pasa at sugat sa likod ang isang 13 taong gulang na lalaki sa Quezon City matapos daw siyang hambalusin ng yantok ng isang pulis sanhi raw ng paglabag sa quarantine protocol ng siyudad.

Sa video na kuha ng isang concerned citizen, nanggagalaiti ang ina ng biktima nang komprontahin ang operatiba na sinasabing namalo sa kaniyang anak.

Naganap daw ang panghahataw sa Liwanag Street, Barangay Old Balara noong hapon ng Martes, Abril 28.


Mabilis nag-viral sa social media ang insidente na umani ng samu’t-saring pambabatikos mula sa mga netizen.

Ayon sa nanay ng binatilyo, inutusan niya ang supling na bumili sa tindahan, kung saan ito nasaktuhan ng rumorondang awtoridad.

Alam naman daw ng babae na bawal lumabas ang mga residente noong oras na ‘yon pero mali raw na manakit ang kinauukulan.

Mas mainam umano kung pinagalitan o pinagsabihan na lamang ang anak.

Sa kabila ng pangyayari, nakipag-areglo na lamang ang pamilya ng biktima at nagkasundong sasagutin ng pulis ang pagpapagamot sa bata.

Facebook Comments