*Ilagan City, Isabela- *Nasa Isabela Police Provincial Office (IPPO) na ang isang pulis na dinukot ng mga kasapi ng Reynaldo Piñon Command o NPA matapos itong palayain noong gabi ng ika-labing walo ng Agosto taong kasalukuyan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Pol. Senior Superintendent Mariano Rodriguez, ang Provincial Director ng Isabela PPO, kasalukuyan pa ang isinasagawang debriefing o pagsasailalim sa psychology test sa dinukot na si PO2 Danilo Maur upang malaman kung ano ang kanyang mga pinagdaanan sa kamay ng mga NPA.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin umano ang kanilang imbestigasyon at maigting rin umano ang kanilang pakikipag ugnayan sa mga militar hinggil sa naturang pangyayari.
Samantala, Isa umano sa tinitignang anggulo ng kapulisan kung bakit dinukot si PO2 Maur ay ang inilabas na pahayag ng mga NPA na may kaugnayan umano ito sa pagpapalabas sa mga pinuputol na mga iligal na kahoy.
Handa naman umanong panagutin ng pamunuan ng PNP Ilagan si PO2 Maur kung mapapatunayan ang akusasyon na inilabas ng mga komunista laban sa nasabing pulis.