Nakalabas na ng hospital ang isang kasapi ng PNP Cauayan matapos itong mabaril ng isang suspect na tulak ng droga sa isinagawang drug operation noong Hunyo 28, 2017.
Ang naturang kasapi ng PNP ay nakilalang si PO3 Arnold Cazon na kasapi ng PNP Cauayan City, Isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng DWKD 98.5 RMN News Team, nagsagawa ng drug operation ang PNP Cauayan katuwang ang PDEA Region 2 sa Barangay Minante Uno, Cauayan City bandang alas diyes y medya sa naturang petsa laban sa isang Arvin Urbano, suspek na nagtutulak ng droga.
Nagpanggap na buyer ang pulis at nagawang makabili ng isang sachet ng shabu mula sa suspect. Ngunit nang matanto umano ni Arvin Urbano na pulis ang kanyang kausap ay bumunot ito ng baril at agad itong nagpaputok. Gumanti ang pulis at mga back up nito na siya namang nagdulot sa agarang niyang kamatayan.
Masuwerte naman si PO3 Cazon dahil nakasuot ito ng bullet proof vest kaya pantal lamang sa kanyang tiyan ang kanyang natamo buhat sa naturang insidente. Magpagayunpaman ay dinala pa rin ito sa hospital para sa kinakailangang pagsusuri.
Nadatnan naman ng mga rumespondeng SOCO at Cauayan Rescue 922 ang wala nang buhay na suspect. Kasama sa mga nakuha mula sa pinangyarihan ng drug operation ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, marked money na nagkakahalaga ng P 500.00, kalibre 38 na baril na may lamang kapsula at di pa naipuputok na bala, cellphone at Yamaha Mio motorcycle na walang plaka.
Ayon sa PNP Cauayan, handa na naman ulit na magreport sa duty si PO3 Cazon matapos niyang maligtasan ang tiyak na kamatayan.