Cauayan City, Isabela – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang pulis matapos itong pagbabarilin sa loob ng kanilang tindahan sa District 3, Sipat Street, Cauayan City ganap alas siyete bente kagabi, Enero 29, 2018.
Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN News Cauayan mula kay Police Senior Inspector Esem Galiza ng Police Community Relations ng PNP Cauayan, kasalukuyan umanong nag-iinuman sa loob ng kanilang tindahan ang biktimang si SPO1 Eduardo Argonza, kasama ang kaniyang mga kaibigan at ilang kaanak ng dumating ang dalawang naka helmet na suspek sakay ng isang motorsiklo.
Bumaba diumano ang isa sa mga suspek na lumapit sa tindahan at inilusot ang dalang baril sa bintana at kaagad pinaputukan ang biktima.
Nagtamo ng 14 na tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na kaagad namang isinugod sa ospital subalit idineklara itong dead-on-arrival.
READ: Update sa Pamamaril ng Riding In Tandem Kay SPO1 Argonza
Lulan ng motorsiklong walang plaka, tumakas umano ang mga naka-helmet na salarin patungo sa direksyon ng barangay Labinab.
Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng 9mm kalibreng baril na pinaniniwalaang ginamit sa nasabing pagpatay.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek sa naturang insidente.