City of Ilagan, Isabela – Kinumpirma ng pamunuan ng PNP Ilagan na may isang pulis na dinukot kahapon ng mga kasapi ng Reynaldo Piñon Command ng NPA Central Isabela Front sa Barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.
Ayon kay Police Superintendent Rafael Pagalilauan, hepe ng City of Ilagan Police Station na ang dinukot ng NPA ay si PO2 Danny Maur, isang Intelligence Officer ng nasabing himpilan.
Aniya kinuha si Maur ng nagkataon umano na makasalubong ng grupong NPA ang sinasakyan nitong puting Van, dahil isa umano si Maur na nagmomonitor sa lugar.
Pinabulaanan pa ni Police Superintendent Pagalilauan ang unang pahayag ng Reynaldo Piñon Command na may lulang mga kahoy ang sasakyan ni Maur kung kaya’t kanilang dinukot.
Iginiit pa ni COP Pagalilauan na propaganda lamang umano ng Reynaldo Piñon Command ang hinggil sa kahoy upang pagtakpan ang kanilang ginawang pagdukot.
Hanggang sa ngayon ay wala pa naman umanong nakakarating sa pamilya ni Maur kung ano na ang kalagayan nito sa kamay ng NPA.
Samantala nakipag-koordinasyon na umano ang kapulisan sa ilang ahensya lalo na sa LGU Ilagan upang mapaghandaan ang anumang maaring mangyari kaugnay sa sagupaan ng 95th. Infantry Battalion, Philippine Army at mga kasapi ng Reynaldo Piñon Command sa bulubunduking bahagi ng lungsod ng Ilagan kung saan ay isang sundalo na ang namatay.