Sinang-ayunan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pahayag ng Malakanyang na pulitika ang ugat ng paggigiit ng International Criminal Court (ICC) na may mga kaso ng crime against humanity sa bansa.
Ayon kay Go, pwedeng noon pa kumilos ang ICC, pero ngayon ito nagiging agresibo, na “timing” sa papalapit na kampanya para sa 2022 presidential elections sa Pilipinas.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Go na naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na gawin lang ang tama para sa bayan at kabilang dyan ang paglaban sa ilegal na droga sa bansa.
Diin pa ni Go, gumagana ang judicial system sa ating bansa kaya walang dahilan para manghimasok ang ICC.
Nanawagan din si Go sa mga kritiko ng administrasyon na sana ay hindi haluan ng pulitika partikular ang pagharap ng bansa sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, ipinauubaya ni Go sa taumbayan ang paghuhusga sa nalalapit na halalan.