Banga, Aklan— Aminado si Punong Barangay Riza Relojo ng Brgy. Cupang Banga na ginamit nito sa personal ang P939,000 na budget ng kanilang lugar dahil sa pangangailangan. Sa interview ng RMN DYKR Kalibo noong nakaraang araw, dinawit rin nito ang barangay treasurer na si Mrs. Lourdes Zambrona na naging kasabwat sa anomalya. Dagdag pa nito na malapit silang dalawa at kapwang may problemang pinansyal dahilan para magkasundo na magwithdraw mula sa pondo ng Barangay. Nakumbinsi umano siya ng treasurer na gawin ito ng palihim at pangalan lamang niya bilang kapitan ang gagamitin. Sa katunayan aniya ay makailang ulit silang nag withdraw kung saan may mga pagkakataon pa na humihingi ng blangkong cheke ang treasurer sa kanya. Hindi na sinabi ng kapitan kung magkano ang kabuuang perang nagastos niya mula sa pondo ngunit inihayag nito na halos kalahati rin ang nagamit ni Zambrona. Ayon sa kanya na nagamit niya ang pera sa personal na pangangailangan habang ang iba naman ay napunta sa ilang gastusin sa barangay at ibinigay na tulong sa ilang residente na nangangailangan. Napag alaman na nadiskubre ng konseho ang anomalya matapos maputulan ng kuryente ang streetlight ng barangay noong nakaraang taon matapos tumalbog ang chekeng ibinayad. Humingi ng paumanhin si kapitan sa publiko dahil sa ginawa at nangakong ibabalik ang pera. Gusto rin nito na umamin na ang treasurer na si Mrs. Zambrona dahil may partisipasyon rin ito sa ginawa. Sa ngayon handa rin ito na harapin ang anumang parusa na ipapataw ng DILG laban sa kanya.
Facebook Comments