Dear i,
Ako po si Joshua. Nais ko po sanang ibahagi ang aking kwento. Hindi po ito ang ordinaryong kwento na maririnig niyo lang saan-saan. Bakla po ako… noon. Ibabahagi ko po sa inyo kung paanong ang isang babae ang nagpabago sa akin, kung paanong ang babaeng ‘to ang nagpalalake sa binabae ko nang puso.
High school palang po ako ay certified bakla na ako, dear i. Nagfa-foundation papuntang school at may kolorete sa labi, pero ni minsan ‘di ako nagcrossdress. Nakilala ko si Camille noong fresh WOMAN sa college. Masungit siya, Dear I. Pero ‘di nagtagal ay naging magkaibigan po kami. Marunong siyang makisama sa tulad ko. Palagi ko siyang inaasar, Dear I, kasi sobra akong natutuwa sa kanya. Hindi siya yung tipo ng babae na sa isang tingin palang ay magagandahan ka na. Siya yung tipo ng babae na habang tumatagal ay gumaganda. Matalino rin siya sa klase, Dear I. Kaya naman dun niya ibinubuhos lahat ng inis niya sa’kin. Lagi niya akong nilalampaso sa mga exams. Kahit anong gawin kong review, ako lagi ang pangalawa, siya naman, undefeated.
Nagsimula akong malito noong may umaya kay Camille na mag-group study, Dear I. Si Cedric, isang kilalang chick boy sa University namin. Gwapo, mayaman, at playboy. Nag-alala ako para kay Camille, Dear I. Pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, parang may iba akong naramdaman. Nag-aalala ba talaga ako sa kanya bilang kaibigan? O nag-aalala ako bilang isang lalakeng nagkakagusto sa kanya? Nalito ako sa aking kasarian. Ginawa ko ang lahat, Dear I, para kumbinsihin si Camille na huwag pumunta sa group study na ‘yun. Parang napansin naman niya na talagang disidido akong pigilan siya, sumang-ayon siyang huwag pumunta. Habang mas napapalapit ako kay Camille, Dear I, hindi na ako pumupuntang school na naka-foundation, medyo lumalalake na rin boses ko. Sobrang nalilito ako nung panahong ‘yun, Dear I. Pero kung tutuusin, nung highschool lang ako nagsimulang magkapusong babae, pero ni minsan, hindi ko pinagsisisihan ang pagiging bakla ko.
Hindi nagtagal, Dear I, ay napagtanto kong mahal ko si Camille. Kinailangan ko pang makipagsuntukan sa Cedric na ‘yun para lang maniwala siya na mahal ko siya. Hindi niya ako pinilit na magpakalalake, Dear I. Ang tanging hiniling lang niya sa’kin ay magpakatotoo ako. Kaya raw niya akong mahalin kahit bakla man ako o lalake as long as pinapakita ko raw sakanya na mahal ko siya.
Dear I, karapat-dapat po ba ako para kay Camille kahit minsan ay nalilito ako? Ang kasarian ko lang po ang nalilito, hindi ang pagmamahal ko sa kanya.
Salamat po and more power.
Nagmamahal,
Joshua