Naglabas ng dagdag na guidelines ang Quezon City local government kasunod ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa ilalim ng Guidelines for Community Case Management for COVID-19 Program, inilatag ng Local Government Unit (LGU) ang mga home isolation rules.
Sa ilalim ng guidelines, ang mga COVID suspect, probable, at confirmed COVID-19 cases, na asymptomatic o may mild symptoms tulad ng sore throat, lagnat, ubo at trangkaso ay maaring mag-home quarantine.
Maging ang mga close contacts ng mga exposed sa COVID-19 ay kailangang mag-home quarantine at mahigpit na i-monitor ang kanilang kalusugan.
Habang ang mga indibidwal na suspect, probable, o confirmed COVID-19 cases na kabilang sa bulnerableng grupo gaya ng nakatatanda, mga may comorbidities, mga buntis, mga bata at mga unvaccinated, na may moderate o severe symptoms, ay prayoridad na mailipat ng city-owned hospitals o sa HOPE Community Care Facilities.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, batay sa mga pumapasok na report, karamihan sa mga bagong kaso ay mga asymptomatic o very mild symptoms.
Ang ganitong mga kaso aniya ay mangangailangan lang ng minimal intervention at maaring i-monitor sa mga bahay.