Itinanggi ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na pulis nila ang nagposas sa transwoman na si Gretchen Diez.
Ito ang nilinaw ni Brigadier General Joselito Esquivel kasunod ng naging pagpuna ni Senador Bato Dela Rosa sa pagtrato kay Diez partikular ang pagposas sa kaniya nang dalhin siya sa Police Station 7 matapos itong pumalag nang pagbawalan na gumamit ng comfort room na pambabae.
Ayon kay Esquivel, hindi pulis kundi mga security elements ng Farmers Plaza Mall ang nagposas sa transwoman.
Sa katunayan aniya, nang dalhin ito sa Police Station 7 ay pinuna ng imbestigador ng women’s desk at pinatatanggal ang posas.
Pero, nawawala noon ang susi ng posas kung kaya at natagalan pa ang pagtanggal dito.
Sinasabing nahagip ng CCTV camera ang pangyayari kung saan mga pulis ang nagposas kay Diez.
Sa panig ni Gretchen Diez, pulis QCPD ang nagposas sa kaniya.
Ipinauubaya na ng transwoman sa kaniyang legal team kung maghaharap sila ng reklamo laban sa QCPD.