Inirekomenda ni Deputy Speaker Bienvenido Abante Jr., na ipaubaya na lamang sa mga Local Government Units (LGUs) ang pagtukoy sa kanilang mga quarantine status.
Ang mungkahi ng mambabatas ay bunsod na rin ng bigay-bawi na community restrictions sa buong Metro Manila.
Paliwanag ni Abante, ang mga LGU executives ang nasa tamang posisyon para i-assess ang sitwasyon sa kanilang mga sakop na lugar partikular sa pagdedesisyon kung anong mga hakbang ang nararapat at kinakailangan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang mga lugar.
Sinabi pa ni Abante na dahil ang mga LGUs ang nasa frontline ng laban kontra COVID-19 pandemic ay dapat lamang na bigyan ang mga ito ng otonomiya ng national government habang ang pamahalaan naman ang bahala sa suporta na kailangan ng mga LGUs.
Hinimok din ng kongresista na payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga Metro Manila mayors na magtulungan at magdesisyon para sa iisang measure na ipapatupad sa National Capital Region (NCR).
Bagama’t maaaring magbigay ng inputs ang pamahalaan at mga eksperto, ang mga alkalde pa rin dapat ang may “final say” dahil sila ang magpapatupad ng mga rekomendasyon.