
Umapela si Senator Loren Legarda sa kanyang mga kapwa mambabatas na ibalik ang Quick Response Fund (QRF) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Legarda, noong 2018, nakapaglaan siya ng ₱750 million para sa QRF ng AFP, na ginamit sa mga rescue operations, logistics, at post-disaster operations.
Ngunit sa mga sumunod na taon, tuluyan nang nawala ang pondo, kaya’t nais niyang muling maibalik ito sa susunod na taon.
Iginiit ng senadora na habang ang Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay may QRF, wala namang ganitong pondo ang AFP.
Hiniling din ni Legarda, bilang Chairman ng Senate Committee on Defense and Security, na gawing mas transparent ang remittance mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ito ay matapos ideklara ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na bigong modelo ang BCDA, dahil ₱45 billion lamang ang kinita ng AFP sa loob ng 26 na taon, kapalit ng mga nawalang mahahalagang asset tulad ng Fort Bonifacio.









