Manila, Philippines – Sinamantala umano ng Malakanyang at ng Kamara ang hinanakit ng Korte Suprema laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang nakikitang dahilan ng Makabayan Bloc sa paghahain ng Office of the Solicitor General ng Quo Warranto Petition laban kay Sereno kahit mayroon nang impeachment proceedings.
Ayon kina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Anakpawis Rep. Ariel Casilao, sinasamantala ng palasyo at mga kaalyado nito ang pagiging kritikal ng ilang mahistrado ng Supreme Court sa Chief Justice.
Sinabi ni Zarate na nakakalungkot dahil nagagawang paluhurin at mapasunod ng isang institusyon ang co-equal branch nito katulad ng nangyayari ngayon sa Korte Suprema at sa Kamara.
Dahil dito, nagtagumpay ang administrasyon sa pagpapasunod ngayon sa Hudikatura.
Dagdag ni Casilao, halata ang hinanakit ng mga mahistrado dahil nalaktawan ang mga ito nang maitalaga si Sereno sa pwesto.