Inanunsyo na ng Department of Transportation (DOTr) ang kahandaan ang railway operators na bumiyahe kapag inalis na ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
Pero tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade na lilimitahan ang passenger capacity sa bawat biyahe ng tren para masunod ang health protocols at social distancing measures.
Bawat train set ng LRT-1 ay makapagsasakay lamang ng 12% o 158 passengers kada biyahe, 10% o 160 passengers kada biyahe naman sa LRT-2 train set, 13% o 153 passengers sa MRT-3 train set.
Samantala, bawat train car ng PNR train ay magsasakay ng average na 148 passengers, na 20% sa average capacity nito sa bawat biyahe.
Saklaw ng mahigpit na Enforcement ng Transport Health Safety Standard ang lahat ng LRT-1 at MRT-3 stations, walong LRT-2 Stations, at lahat ng PNR Stations sa pagitan ng Malabon at IRRI.
Sa susunod na araw na rin pasisimulan ang cargo operations ng 34 PNR stations sa pagitan ng Tutuban at Legazpi.
Mahigpit ang tagubilin ng DOTr, hindi papayagang makasakay ang mga pasahero na walang face mask; mayroong sintomas ng COVID-19, senior citizens, mga sanggol at mga nagdadalantao.