Sa naging panayam kay PLT Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan City, gumugulong pa rin ang ginawang pagsisiyasat ng kapulisan sa naturang insidente na kung saan ay nakasuhan na ng Homicide at Attempted Homicide ang anim na mga suspek na sina Arwin Jay Diciol, Robic Cuntapay, Jetroval Rivera, Aloysius Lumauig, Oliver Carriedo, at John Vincent Calzada, na pawang mga residente ng Lungsod ng Cauayan.
Matatandaan nitong March 7 ng madaling araw sa isang lugawan ay napalaban ang grupo ng mga suspek sa grupo ng mga biktimang sina John Mark Buan at Ruel Sawit na parehong taga Santiago City subalit naninirahan noon sa Rivera St ng Barangay District 2.
Dahil sa matinding rambulan at gitgitan ng dalawang grupo ay nagtamo ng sugat sa katawan si Buan na sanhi ng kanyang agarang kamatayan habang maswerte namang nabuhay ang kasamang si Sawit na nagtamo rin ng sugat sa likod ng kanyang katawan.
Ayon pa kay PLT Topinio, wala pa rin umaamin sa mga suspek kung sino sa kanila ang posibleng nakatusok o sumaksak sa katawan ni Buan dahil sa nakitang malalim na sugat sa ibabang bahagi ng kanyang kaliwang dibdib.
Kaugnay nito ay magsusumite na rin ng counter affidavit ang mga suspek sa korte para sa kanilang kinakaharap na kaso. Kasalukuyan pa ring nakakulong sa lock up cell ng pulisya ang anim na mga suspek at hinihintay na lamang ang pagdinig sa kanilang kaso sa korte.
Desidido naman ang pamilya ng namatay na biktima na mahatulan ang mga suspek para makamit ng biktima ang kanyang hustisya.