Rason ng pagbabago sa kandidatura, ipinaliwanag ni Senator Bong Go

Ayon kay Senator Christopher Bong Go, nagwithdraw sya ng kandidatura sa pagka-bise presidente upang iwasang makabanga si Davao City Mayor Sara Duterte na naghain kanina ng kandidatura sa kaparehong posisyon sa ilalim ng Lakas-CMD.

Sabi ni Go, tinanggap nya ang hamon na tumakbo sa pagka-pangulo para maipagpatuloy ang mga pagbabago na sinimulan ni Pangulong Duterte.

Kung mananalo sa eleksyon ay dadagdagan pa daw niya ang mga pagbabagong ito ng mga programang nagmamalasakit sa mamamayan.


Binanggit ni Go, na tinangap din niya ang hamon na maging standard bearer ng administrasyon at ito ay alinsunod din sa nais mangyari ni Pangulong Duterte.

Batid ni Go na bigatin ang mga kalaban nya sa pagkapangulo pero pantapat naman daw nya ang kanyang sipag, malasakit at pagsiserbisyo sa mga pilipino.

Sa mga duda naman na magagampanan nya ang pagiging pangulo ng bansa lalo’t tatlong taon pa lang syang senador ay binigyang diin ni Go na nakabisado na nya ang trabaho ng pangulo dahil araw araw syang kasama ni Pangulong Duterte.

Hindi naman sinagot ni Go kung ano ang susunod na plano ni Pangulong Duterte o kung totoo ang impormasyon na maghahain din daw ito ng kandidatura sa lunes para sa pagkabise presidente.

Binanggit ni Go na ngayon ay walang ding nakatakda na anumang pag-uusap o pulong sa pagitan nila ni Mayor Sara Duterte.

Facebook Comments