
Itinutulak ni Senator Jinggoy Estrada na gawing krimen ang red-tagging sa mga hinihinalang kalaban ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Estrada na ang red-tagging ay hindi lamang basta “label” o bansag kundi isang banta sa buhay ng isang indibidwal na inaakusahang communist sympathizer.
Sa ilalim ng Senate Bill 1071 o Anti-Red Tagging Act, ipinadedeklarang krimen ang red-tagging na layong bigyan ng proteksyon ang mga mamamayan laban sa hindi makatarungang pananakot, panggigipit, o pag-uusig.
Sinumang mapapatunayang lumabag oras na maging ganap na batas ang panukala ay mahaharap sa sampung taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa public office.
Ituturing naman na red-tagging ang paglalabas ng pahayag sa publiko, social media posts, tarpaulin, karatula, deklarasyon, public events at iba pang platapormang ginagamit upang bansagan o siraan ang isang tao o grupo bilang kalaban ng estado.








