Cauayan City, Isabela- Tutugunan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang ilang hinaing ng mga tao na nakasailalim sa quarantine sa isang resort sa Bayan ng Cordon, Isabela.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, beberipikahin nila ang reklamo na umano’y natutulog nalang sa inilaang tent ng provincial government dahil sa kawalan ng kwarto para sa dumaraming bilang ng mga umuuwing Isabeleño.
Ayon sa dalawang OFW na tumanggi ng banggitin ang kanilang pagkakakilanlan, idinadaing nila ang hirap at stressed habang naka-quarantine sa naturang resort.
Una na nilang ipinanawagan na sana’y mabigyan ng pansin ng kinauukulan ang walang maayos na tulugan para sa mga dumarating na OFW na idinederetso sa naturang quarantine area.
Ayon pa sa isang OFW, hindi siya makatulog ng maayos dahil sa kawalan ng sapat na tulugan habang ang iba pang mga OFW ay natutulog na lamang habang nakaupo.
Ipinanawagan rin nito ang maruming Comfort Room na ginagamit ng lahat ng mga naka-quarantine.
Tiniyak ngayon ng opisyal na agad nilang tutugunan ang reklamo para sa mas maayos na pasilidad at magsasagawa ng koordinasyon sa mga namamahala ng nirentahang resort ng LGU Isabela.