
Naniniwala si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na publicity stunt lamang para sa nalalapit na halalan ang paghahain sa kaniya ng reklamo kasama ng ilang opisyal sa Office of the Ombudsman.
Ito ay kaugnay sa pagpapa-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 11 sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa ambush interview ngayong Miyerkules, sinabi ni Remulla na tila gusto lamang makakuha ng publicity tungkol sa halalan.
Inihain ang reklamo sa Ombudsman ni Senadora Imee Marcos matapos ang serye ng pagdinig ng kaniyang pinamumunuang Senate Committee on Foreign Relations.
Sinabi pa ng kalihim na nawi-worduhan siya sa inihaing complaint lalo’t hindi naman ito committee report.
Inirereklamo si Remulla at ang iba pang opisyal ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions, Grave Misconduct, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Public Service.
Nanindigan ang kalihim na ginawa lamang nila ang naaayon sa batas at maghahain din siya ng kontra salaysay sa Ombudsman.
\









