Rekomendasyon na isama sa curriculum ang pagnenegosyo, welcome sa DepEd

Bukas ang Department of Education (DepEd) na isama sa curriculum ang panukala ni Senador Cynthia Villar na turuan ang mga estudyante sa pagnenegosyo.

Ayon kay Education Spokesperson Atty. Michael Poa, tinitingnan na ng kagawaran kung saang bahagi ng curriculum ng mga mag-aaral maaaring ipasok ang panukala ng senador.

Magandang ideya aniya ito upang habang maaga pa ay mamulat ang mga estudyante sa pagtatayo ng sariling negosyo.


Paliwanag ni Poa, naging kultura na rin kasi sa bansa na gawing prayoridad ang paghahanap ng mapapasukang trabaho sa tuwing magtatapos sa pag-aaral.

Mahalaga aniyang maagang maituturo sa mga estudyante ang paraan ng pagnenegosyo upang mabawasan ang unemployment rate kada taon.

Sa panukala ni Villar, lahat ng nasa Junior at Senior High School ay pwede ng turuan sa pagtatayo ng negosyong angkop sa kanilang kaalaman.

Facebook Comments