
Muling pinarusahan ng Kamara ng 60-araw na suspensyon si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Sa botohan sa plenary session ng Kamara ay 238 na mga kongresista ang bomoto pabor na muling masuspinde si Barzaga, 10 ang komontra at siyam ang nag-abstain.
Ang panibagong parusa laban kay Barzaga ay base sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na pinamumunuan ni 4Ps Party-list Rep. JC abalos.
Base sa committee report na ipinrisenta ni Abalos sa plenary session ay nilabag ni Barzaga ang mga kondisyon na nakapaloob sa unang 60-araw na suspensyon na ipinataw sa kanya simula noong December 1, 2025 hanggang January 30, 2026.
Nakasaad sa committee report na patuloy ang hindi akma o hindi nararapat na asal ni Barzaga at wala pa ring tigil ang pag-post nito sa social media ng mga mensaheng nakakasira sa reputasyon ng mga kapwa mambabatas at sa Kamara bilang institusyon.










