Pinagsasagawa ng ilang kongresista ng routine safety checks ang pamahalaan sa mga power barge ng mga private electricity producers.
Ang rekomendasyon ay ginawa ni Anakalusugan Representative Mike Defensor upang hindi na maulit ang nangyaring oil spill sa baybayin ng Iloilo City.
Mababatid na inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noon na kailangang magsagawa ang Department of Energy (DOE) at Philippine Coast Guard (PCG) ng extensive at periodic safety checks sa mga power barge lalo na at ang karamihan sa mga ito ay luma na.
Bagama’t kinikilala ang kahalagahan ng mga mobile power stations upang matugunan ang problema sa kuryente sa bansa, sinabi ng kongresista na dapat na ito ay napapanatiling maayos at dumaan sa safety inspection dahil sa maaring idulot nitong pinsala sa kalikasan.
Aabot sa 268,000 litro ng diesel ang aksidenteng natapon sa Iloilo Strait mula sa barge na pag-aari ng AC Energy Corp. noong nakalipas na linggo.