Wala pa ring katiyakang mananalo sa halalan sa Mayo si Presidential Candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang pananaw ng political analyst na si Atty. Michael Henry Yusingco sa harap ng patuloy na pamamayagpag ni Marcos sa mga pre-election survey.
Sa survey ng Pulse Asia na isinagawa mula February 18 hanggang 23, 2022, 60% ng mga respondents sa buong bansa ang nagsabing si Marcos ang kanilang pipiliing maging pangulo ng bansa kung isinagawa ang halalan sa panahon ng survey.
Habang ang pumapangalawa sa kanya na si Vice President Leni Robredo ay mayroon lamang 15%.
Pero ang tanong dito ayon kay Yusingco, ay kung gaano ka-solido o katotoo ang porsiyentong nakuha ni Marcos.
Dagdag pa ng analyst, malayo-layo pa naman ang eleksyon at marami pang pwedeng gawin ang mga kandidato.
Samantala, para sa isa pang political analyst na si Prof. Antonio Contreras, bagama’t posible at mahirap nang makahabol sa survey kay Marcos ang iba pang mga kandidato.
Kung nais aniyang makahabol ni Robredo, dapat niyang mahikayat ang ibang mga kandidato na sumama sa kanya; mahikayat ang mga botante ng mga kandidatong ito na siya na lamang ang iboto at mahikayat ang 10% ng mga botante ni Marcos na lumipat ng suporta sa kanya.
Gayunman, aminado si Contreras na malabong umurong sa halalan ang ibang kandidato lalo na sina Manila Mayor Isko Moreno at Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson.