Sabay na pag-iimbestiga at pagsuspinde ng PhilHealth sa pagbabayad ng claims, magpapabagsak sa mga ospital

Ibinabala ni Senador Imee Marcos ang pagbagsak ng mga ospital at pagkawala ng diskwento sa mga ospital ng 96 million na benepisaryo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Ayon kay Marcos, ito ang ibubunga ng pasya ng PhilHealth na pagsabayin ang Temporary Suspension of Payment of Claims o TSPC at imbestigasyon sa fraudulent o kwestyunableng reimbursement claims.

Tinukoy ni Marcos na dahil sa nabanggit na hakbang ay nagbanta ang mga ospital na kakalas sa health insurance agency dahil sa naantalang bayad sa kanila ng ahensya mula pa noong nakaraang taon.


Base sa mga reklamong idinudulog sa tanggapan ni Marcos, naniniwala ang mga ospital na ginagamit ang TSPC para manggipit o mang-harass sa kanila at hindi para proteksyunan ang PhilHealth laban sa mga irregular na hospital claims.

Bunsod nito ay iminungkahi ni Marcos na ilabas ng PhilHealth ang pinatutulog nitong pondo sa mga bangko para pakitain ng interes kahit nasa kasagsagan tayo ng isang global health crisis.

Hiling ni Marcos sa PhilHealth, bilisan ang pagbabayad sa mga ospital upang mapataas ang kanilang kapasidad sa harap ng pagkakaroon ng iba’t ibang COVID-19 variant at panibagong paglobo ng mga impeksyon.

Facebook Comments