Cauayan City, Isabela- Hinihiling ng School Board ng Sagada at Parent Teacher Associations (PTAs) na payagan silang magsagawa ng face-to-face classes para sa mga mag-aaral sa kabila ng hindi lahat ay may gadget at ang nararanasang mahinang internet connection gayundin ang hirap na maturuan naman ng mga magulang ang kanilang mga anak sa aralin.
Ayon kay Mayor James Pooten, nais umano ng kanyang mga kababayan na lahat ng eskwelahan sa Sagada ay maisama sa pilot testing ng face-to-face classes makaraang aprubahan ito ni Pangulong Duterte.
Sinabi pa ng alkalde na lahat ng mga paaralan sa kanilang bayan ay nasa malalayong lugar at ang pagtitiyak naman ng mga miyembro ng PTA na walang makakapasok na outsiders sa mga barangay para maiwasan ang posibleng hawaan ng coronavirus.
Giit pa ng alkalde, patuloy ang kanilang pagpapanatili sa border checkpoints at pagsasailalim sa triage ng mga taong papasok sa kanilang bayan.
Sa kabila nito, matindi umano ang kalbaryo ng mga mag-aaral, guro at mga magulang sa hirap ng internet connection habang ang ilan sa mga lugar ay walang cellphone signal.
Dagdag pa niya, habang nasa sistema ng modular ang karamihan sa mga mag-aaral, hirap naman umano ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa mga lesson.
Kabilang ang Sagada sa mga local government units sa Cordillera at Mountain province na patuloy ang mahigpit na obserbasyon sa paggalaw ng mga tao.