Muling nagsagawa ng kilos-protesta ang samahan ng mga health worker sa tapat mismo ng Department of Health (DOH) sa Sta. Cruz, Maynila.
Kasabay ng pagdiriwang ng Valentine’s Day, ikinasa ng Alliance of Health Workers (AHW) ang tinatawag nilang Black Heart’s Day Protest.
Mula Legarda, naglakad ang mga health worker na pawang mga nasa pampubliko at pribadong hospital patungo sa DOH.
Ito’y upang muling ipanawagan ang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III dahil sa kapalpakan nito sa trabaho.
Giit pa ng grupo, tila hindi na naisip pa ng gobyerno ang kaligtasan, proteksyon, karapatan at kapakanan ng mga health worker na patuloy na tumutulong para hindi na kumalat pa ang COVID-19.
Bukod dito, naging talamak din ang contractualization scheme sa mga pampublikong hospital.
Nangangamba rin ang mga health worker na mabawasan pa ang mga benepisyong nakukuha nila ngayong may pandemya dahil natapos na ang ilang probisyon nito sa ilalim ng Bayanihan Law 2 kung saan napalitan na ito mg One COVID-19 Allowance (OCA).
Sa loob ng dalawang taon, hindi pa rin sapat ang mga hakbang ng pamahalaan para mabawasan ang tinatamaan ng COVID-19 kung saan nakakaramdam na rin ng pagod ang mga health worker.