Isasalang na sa Real Time Polymerase Chain Reaction (RT- PCR) test ang sampung tauhan ng National Irrigation Administration (NIA) na nakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Ang mga personnel na nakitaan ng Immunoglobulin M (IgM) positive ay kabilang sa 640 na mga kawani at tauhan ng NIA na sumailalim sa rapid testing para sa COVID-19 noong June 24, 2020.
Ayon kay NIA Administrator Ricardo Visaya, 629 sa kabuuang bilang ang nagnegatibo naman sa COVID-19.
Una nang inilagay sa 14-day quarantine ang lahat ng kawani ng NIA nang ipatupad ang lockdown sa buong central office noong July 1, 2020 para bigyang daan ang disinfection activities at installation ng office protective coverings.
Sa kasalukuyan, may pitong kawani sa ahensiya ang may confirmed cases ng COVID-19 at tatlo na ang nakarekober mula sa sakit.
Wala namang dapat ikabahala ang mga kawani dahil ginagawa ng ahensiya ang lahat ng precautionary measures laban sa virus.
Tiniyak pa ng NIA Chief na prayoridad nito na mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga kawani sa gitna ng pandemya.