
Nakababahala para kay House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagpapatibay ng Supreme Court (SC) sa una nitong deklarasyon na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay De Lima, pinapahina ng naturang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ang kapangyarihan at kalayaan sa pagpapasya ng House of Representatives (HOR).
Dagdag pa niya, tulad ng naunang desisyon, may paglihis umano ang Korte Suprema sa letra at diwa ng Saligang Batas hinggil sa pantay at magkahiwalay na kapangyarihan ng Hudikatura at Lehislatura.
Babala ni De Lima, delikado itong maging batayan sa hinaharap dahil tila sinasapawan ng SC ang proseso ng impeachment na malinaw na ibinigay ng Konstitusyon sa Kongreso.
Una nang binigyang-diin ni De Lima na hindi inaabswelto ng SC ruling si VP Sara Duterte, kaya maaari pa ring magsampa muli ng impeachment case laban sa kanya, kahit batay sa kaparehong mga grounds.










