
Iginiit ni Albay 3rd District Representative Raymond Adrian Salceda sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pagtuunan ang pagpapatupad ng science at evidence-based flood control projects.
Ito ay para matiyak na ang mga maitatayong mga proyektong pipigil sa pagbaha ay epektibo at totoong makapagbibigay-proteksyon sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.
Panawagan ito ni Salceda sa DPWH kasunod ng matinding pinsala ng Bagyong Uwan sa kanyang distrito.
Binanggit ni Salceda na dahil sa umiiral na national ban sa mga flood control projects ay marami sa mga istrukturang nasira noong humagupit ang Bagyong Kristine ang hindi pa rin naisasaayos.
Kaya naman ayon kay Salceda, sa pananalasa ng Bagyong Uwan ay nagsagawa na lang sila ng pansamantalang sandbagging operations upang maantala ang pagpasok ng baha habang inililikas ang mga residente.
Pero sabi ni Salceda, hindi nagtagal at kalaunan ay bumigay rin ang mga sandbag dahil sa malakas na ulan at agos ng tubig.









