Secondary price cap para mapanatiling mababa ang presyo ng kuryente, nirerepaso na ng ERC

Muling nirerepaso ngayon ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang ipinataw nilang secondary price cap.

Ito’y kasunod ng pahayag ng Department of Energy (DOE) na makatutulong ang pag-alis nito upang makahikayat ng mas maraming punuhan sa sektor ng enerhiya.

Ayon kay ERC Chairperson at CEO Atty. Monalisa Dimalanta, bagaman makatutulong ito para sa pagpapataas ng kapasidad, kailangan ding silipin kung ano ang magiging epekto naman nito sa mga konsyumer.


Halimbawa na lang dito ani Dimalanta ang malikot na presyuhang binibili ng mga power distributor sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.

Ang price cap ay paglilimita sa sinisingil ng mga power generator sa mga konsyumer depende sa kanilang konsumo.

Una rito, sinabi ni Energy Sec. Raphael Lotilla na kahit mahirap ay aalisin nila ang pagpapatupad ng price cap kung ang kapalit nito’y mas malusog na kompetisyon na siyang magpapataas sa kapasidad ng enerhiya na sa huli ay magpapababa rin sa presyo ng kuryente.

Facebook Comments