Anim, arestado sa pamemeke ng dokumento sa Maynila

Nasakote sa ikinasang entrapment operation ang anim na indibidwal na namemeke ng mga dokumento sa Maynila.

Partikular sa isang pwesto sa CM Recto Avenue na sakop ng Brgy. 310, Zone 30 sa Sta Cruz, Manila.

Kinilala ang mga nadakip na sina Neil Jadonet, negosyante at may-ari kasama ang mga vendor na sina Orlando Dulay, Christian Bejec, Bernabe Grajo, Dinalyn Coquia at Alice Braga.


Ikinasa ng District Special Operations Unit ng Manila Police District (MPD) ang operasyon matapos makumpirma na nag-aalok ang mga ito ng iba’t ibang pekeng dokumento.

Nakuha sa kanila ang dalawang pekeng driver’s license at mga gamit sa paggawa nito kasama ang ilan pang mga kagamitan sa paggawa ng mga pekeng dokumento na inaalok sa mga nahihirapan makakuha nito.

Kaugnay nito, binalaan ng MPD ang iba na nagsasagawa ng iligal na aktibidad sa kahabaan ng CM Recto Avenue na masasakote rin sila sa mga darating na panahon.

Facebook Comments