Hindi apektado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa anumang ilalabas na desisyon ngayon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa apela ng pamahalaan na huwag nang ituloy ang imbestigasyon sa umano’y extra judicial killings sa ‘war on drugs’ ng nakaraang Duterte administration.
Sinabi ni Dela Rosa na ipinauubaya niya na sa ICC kung anuman ang gusto nilang gawin at wala aniya siyang pakialam dito.
Maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nakausap niya at hindi rin nababahala sa ilalabas na desisyon ng ICC.
Kinatigan din ng senador ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi susunod at hindi ipapatupad ng gobyerno ng bansa sakaling mag-isyu ng ‘warrant of arrest’ ang ICC sa mga ipinagharap ng kaso na ‘crime against humanity’.
Giit ni Dela Rosa, anuman ang ipalabas na desisyon ngayon ng ICC hinggil sa apela ng ating pamahalaan sa imbestigasyon sa inihaing kaso laban sa kanila ay hindi ito kailangang sundin o ipatupad ng ating pamahalaan dahil matagal na tayong kumalas sa ICC.